Isang makasaysayang panalo ang naitala ng Igorot pride mula Kapangan at Kalinga na si Jean Claude Saclag, matapos nitong tambakan si Juan Trujillo sa kanilang flyweight MMA sa ONE Friday Fights 127 nito lamang Biyernes, Oktubre 3, 2025 sa Bagkok, Thailand.
Bitbit ang tapang ng Cordillera, mabilis na tinapos ni Saclag (5-2 record) ang laban sa unang round sa pamamagitan ng technical knockout (TKO) laban kay Trujillo (6-1 record), na dati ay kilala sa matitibay na panalo.

Ang impresibong panalo na ito ay nagpapatunay ng walang kapantay na determinasyon at husay ni Saclag, bilang isang mandirigma sa larangan ng mixed martial arts.
Isa rin itong patunay na ang dugong Igorot ay patuloy na umaangat sa pandaigdigang entablado ng sports.

Kasama ng kanyang pamilya, kababayan, at buong Cordillera region, buong puso nating binabati si Jean Claude Saclag sa kanyang matagumpay na laban.
Isa itong inspirasyon para sa kabataang Pilipino na nagsusumikap sa larangan ng palakasan.




