Isang linggo na ang nakalipas mula nang tumama ang Bagyong Emong sa ilang bahagi ng Ilocos Region, ngunit hindi pa rin tumitigil ang Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) sa pag-iikot at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga naapektuhan.
Kabilang sa mga lugar na lubhang napinsala ay ang bayan ng Anda sa Pangasinan, kung saan sinira ng malalakas na hangin at ulan ang mga kabahayan at kabuhayan. Noong Hulyo 29, 2025, bumisita sa lugar ang DSWD FO 1 kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang magsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) sa anim na barangay.
Pinuntahan din ng mga awtoridad ang bayan ng Mangatarem sa Pangasinan at ang Lungsod ng San Fernando sa La Union para alamin ang lawak ng pinsala at kung anong uri ng tulong ang kinakailangan ng mga residente.

Bukod sa mga sirang kabahayan, na karamihan ay nawalan ng bubong o tuluyang gumuho, napinsala rin ang mga sakahan at fish pens na mahalagang pinagkukunan ng kabuhayan sa mga lugar na ito.
Batay sa pinakahuling datos ng DSWD FO 1, umabot na sa 27,016 kabahayan ang nasira sa buong rehiyon. Sa nasabing bilang, 23,432 ang bahagyang nasira (partially damaged) habang 3,584 naman ang tuluyang gumuho (totally damaged).
Patuloy ang koordinasyon ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang makapaghatid ng kinakailangang tulong gaya ng food packs, shelter assistance, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente.
Source: DSWD Field Office 1




