Isinagawa ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region ang region-wide simultaneous mass cardiopulmonary resuscitation (CPR) Demonstration and Training para sa mga estudyante sa buong rehiyon noong Hulyo 17, 2025, bilang paggunita sa National CPR Day. Layunin ng aktibidad na ito na turuan ang mga kabataan ng mga pangunahing hakbang sa pagtugon sa cardiac emergencies tulad ng pagsusuri sa sitwasyon, pagtawag sa 911, at pagsasagawa ng chest compressions.
Ang programang ito ay tinawag na S.A.G.I.P. Program (S – Survey the scene and check the situation; A – Assess the victim; G – Get help, Call 911 or your local emergency hotline; I – Initiate chest compressions; P – Place Automated External Defibrillator (AED) pads if available).

Pinangunahan ng mga sertipikadong CPR instructors mula sa Health Emergency Management Service ng DOH at mga ospital sa rehiyon ang naturang aktibidad. Nakipagtulungan din ang Department of Education at iba’t ibang partner organizations upang maisakatuparan ang programa.
Isinagawa ang live demonstration ng hands-only CPR na sinabayan ng real-time instruction at aktwal na partisipasyon ng mga estudyante.
Binigyang-diin ng DOH na ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na estratehiya upang maisama ang hands-only CPR training sa kurikulum ng mga paaralan at makamit ang pangmatagalang adhikain para sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Source: DOH Ilocos Region




