Sa patuloy na pagpupugay sa kasaysayan at kultura ng Lungsod ng Baguio, idinaos ang BagYouth EXPOsure 2025 sa Session Road, Baguio City nito lamang ika-17 ng Agosto 2025.
Itinatampok sa nasabing aktibidad ang mga sining, likhang-kamay, pagtatanghal, at produktong kultural ng mga kabataang artista, performers, at negosyante na layuning ipakita ang malikhaing galing ng kabataan at itaguyod ang pagmamahal sa sariling kultura.
Ang BagYouth EXPOsure 2025 ay bahagi ng mga aktibidad ng ika-116 Charter Anniversary ng Lungsod ng Baguio na may temang “Diverse Roots, Shared Dream.”



Kasabay ng selebrasyon, ipinagpatuloy ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO) ang kanilang electronic waste collection drive sa Malcolm Square mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM upang hikayatin ang publiko na magdala ng kanilang mga sirang o lumang kagamitang elektroniko para makatulong sa pangangalaga ng kalikasan.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, muling ipinakita ng pamahalaang lungsod at ng mga kabataan ang kanilang pagkakaisa sa pagtataguyod ng sining, kultura, at kalikasan kasabay ng paggunita sa mahigit isang siglong kasaysayan ng Baguio.




