15.9 C
Baguio City
Monday, November 18, 2024
spot_img

Veterinary Medical Mission, isinagawa sa Tabuk City, Kalinga

Tabuk City – Inilunsad ng City Veterinary Office (CVO) ang Veterinary Medical Mission sa mga Barangay sa pamamagitan ng ceremonial vaccination bilang pagdiriwang ng Rabies Awareness Month sa City Hall noong Marso 7, taong kasalukuyan.

Pinangunahan ni Mayor Darwin C. Estrañero kasama ang mga kinatawan ng Anti-rabies Task Force at Department of Interior and Local Government, Department of Health, Department of Agriculture, at mga tauhan ng Tabuk City Police Station ang isinagawang aktibidad na may temang: “Rabies-Free na Pusa’t Aso, Kaligtasan ng Pamilyang Filipino”,

Ayon kay Ms. Carmen Wanas, City Veterinarian, ang pangunahing layunin ng veterinary mission ay ang pagpuksa sa mga kaso ng sakit sa pamamagitan ng pagbibigay kaalaman sa mga may-ari o nag-aalaga ng pusa, aso, baka, manok, at kambing.

Dagdag pa ni Ms. Wanas, ang mga aktibidad sa nasabing programa katulad ng pagbabakuna sa hayop, konsultasyon, paggamot, deworming, pagbibigay ng bitamina at gamot ay isasagawa sa buong buwan ng Marso,

Nagbigay din ng kaalaman ang mga tauhan ng City Veterinary Office hinggil sa artipisyal na pagpaparami para sa baka at kalabaw, pagpigil sa African swine flu, pag-aalaga at pagsubaybay sa kalusugan ng mga hayop at ang re-orientation ng mga barangay officials sa anti-rabies laws and regulations.

Ayon pa kay Ms Wanas, ang City Veterinary Office ay nakapagtala ng dalawang positibong kaso ng rabies noong 2021 at inaasahang mapanatili ang mababang record sa kaso ng rabies ngayong taon.

Hinimok ni Mayor Darwin C. Estrañero ang mga may-ari ng alagang hayop na makiisa sa serbisyo ng City Veterinary Office, obserbahan at maging responsableng owner ng alagang hayop hindi lamang sa Rabies Awareness Month kundi sa buong taon upang tuluyang mapuksa ang rabies sa lungsod.


Source: BaguioHeraldExpress Link: https://www.baguioheraldexpressonline.com/%f0%9d%90%95%f0%9d%90%9e%f0%9d%90%ad-%f0%9d%90%a8%f0%9d%90%9f%f0%9d%90%9f%f0%9d%90%a2%f0%9d%90%9c%f0%9d%90%9e-%f0%9d%90%ad%f0%9d%90%a8-%f0%9d%90%9c%f0%9d%90%a8%f0%9d%90%a7%f0%9d%90%9d%f0%9d%90%ae/?fbclid=IwAR3FnWIsVkmAHx3S-4QKUNPkDJ5xxKezBuprFVCLbmuRNDggzdIF9NwujXE

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
0FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles