Ipinagdiwang ang Provincial Linggo ng Kabataan sa Ifugao State University, Lagawe, Ifugao noong Agosto 23–25, 2025.
Pinangunahan ang aktibidad ng Sangguniang Kabataan Municipal Federation (SKMF)–Lagawe sa pamumuno ni Hon. Lexford Bokiagawon, katuwang ang iba’t ibang ahensya kabilang ang Ifugao Police Provincial Office, lahat ng Municipal Police Stations, 1st PMFC, SAF, at BFP na nagsilbing mga facilitator.
Sa temang “Local Youth Action for the SDGs and Beyond,” layunin ng pagdiriwang na hikayatin ang kabataan na maging aktibong katuwang sa pagpapatupad ng mga programa at adhikain tungo sa pagsusulong ng Sustainable Development Goals (SDGs) at sa paghubog ng mas matatag at handang komunidad.
Bumida sa programa si Ms. Valerie Claire Pawid West, Miss World–Ifugao representative, na nagbigay ng inspirasyong mensahe hinggil sa kahalagahan ng mental health at kung paano mapapalakas ang kabataan upang maging instrumento ng positibong pagbabago.
Tampok sa tatlong araw na pagdiriwang ang iba’t ibang aktibidad gaya ng musical contest, taebo, parade, ethnic games, larong kalye, youth night at marami pang iba na nagbigay saya at nagpatibay ng pagkakaisa sa hanay ng mga kabataang Ifugao.
Sa kabuuan, naging makulay at makabuluhan ang selebrasyon na hindi lamang naghatid ng kasiyahan, kundi nagpatatag din ng ugnayan sa pagitan ng kabataan at iba’t ibang sektor at ahensya ng pamahalaan.







