Patuloy ang pag-ulan ng tulong para sa mga nasalanta ng nagdaang bagyo matapos magsagawa ng relief mission ang iba’t ibang pribadong grupo sa Sitio Lagare, Nalseban, Barangay San Gabriel 2nd, Bayambang nitong Agosto 18, 2025.
Pinagsamang pwersa ng Gabriel Medical Clinic, Gabs Pharmacy Cooperative Store, at Bayambang Matikas Eagles Club (BMEC) ang naghatid ng food packs at hot meals para sa 180 residente ng nasabing lugar.
Pinangunahan ang aktibidad ni Dr. Roberto Gabriel, tagapagtatag ng Gabriel Medical Clinic at Gabs Pharmacy, kasama si BMEC President Bogs Bugarin, sa pakikipag-ugnayan sa Nutrition Office upang matiyak ang maayos na pamamahagi ng tulong.
Bukod sa mga pangunahing pangangailangan, nakatanggap din ang mga residente ng ready-to-eat food na agarang nakatulong sa kanila habang patuloy na bumabangon mula sa pinsalang dulot ng bagyo.
Ipinahayag ng mga residente ang kanilang lubos na pasasalamat sa mga miyembro ng naturang mga grupo na naglaan ng oras, lakas, at sariling resources upang maipadama ang malasakit sa kanilang komunidad.
Itinuturing itong malinaw na halimbawa ng bayanihan at pagkakaisa. Mga halagang isinusulong ng Bagong Pilipinas, kung saan ang pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mamamayan ay nagbubunga ng pag-asa at mas mabilis na pagbangon ng mga naapektuhan.




