Mahigit 500 Cagayano ang masayang lumahok sa isinagawang ‘Bisig-Kleta and Fun Run’ sa SM City Tuguegarao Valley Park bilang bahagi ng makulay na selebrasyon ng ika-442 Aggao Nac Cagayan nito lamang ika-14 ng Hunyo, 2025.
Ang naturang aktibidad ay sama-samang inilunsad ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Provincial Office for People Empowerment (POPE), katuwang ang National Authority for Child Care (NACC), Regional Alternative Child Care Office-Region II (RACCO II), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2.
May temang “PaggurufFUNan Cagayan: One Ride, One Run, Hope & Home for Every Child”, layunin ng programa na itaguyod ang kahalagahan ng kalusugan, pagtutulungan, at alternatibong pangangalaga sa mga bata.

Layunin ng aktibidad na mapalakas ang self-esteem ng mga kalahok at ipaalala na ang pangangalaga sa kalusugan ng katawan ay dapat maging prayoridad ng bawat Cagayano.
Nagpasaya rin sa aktibidad ang makulay na mass bath at flash mob na inihandog ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 2, isa sa mga katuwang ng programa. Tumulong din ang Philippine National Police (PNP) Region 2 sa pagbabantay sa mga ruta ng takbuhan at padyakan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng kalahok.
Samantala, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakipagkolaborasyon ang POPE sa mga ahensyang nabanggit para sa ‘Agkaykaysa Fun Run’, na patunay ng mas pinatibay na ugnayan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga pambansang institusyon para sa kapakanan ng bawat Cagayano, lalo na ang mga kabataan.
Source: CPIO