Magsasagawa ng Job Fair ang Department of Labor and Employment-Region 3 sa Kingsborough International Convention Center, San Fernando, Pampanga sa darating na Mayo 1, 2022.
Higit 8,000 na trabaho ang ilulunsad bilang selebrasyon ng Araw ng Manggagawa na may temang 2022 Labor Day Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) Job and Business Fair.
Ayon kay DOLE-3 Regional Director Geraldine Panlilio, hinimok ang mga naghahanap ng trabaho na magparehistro sa pamamagitan ng vantagehunt.com, isang platform ng solusyon sa trabaho.
Higit 50 na kumpanya ang mag-aalok ng iba’t ibang posisyon tulad ng cost accountant, research and development specialist, sales representative, technician, nurse, helper, at marami pa.
Mayroon din oportunidad para sa mga fresh graduates at skilled workers.
Dagdag pa ni Panlilio, magkakaroon din ng kaparehong aktibidad sa Mayo 6, 2022 sa Waltermart, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Bukod sa recruitment activity, ang Department of Trade and Industry at Technical Education and Skills Development Authority naman ay magsasagawa ng skills training at seminar ng iba’t ibang produkto na ipapakita ng mga local micro, small and medium enterprises (MSMEs) at DOLE livelihood beneficiaries sa parehong petsa.
Source: pna.gov.ph