Pormal nang binuksan ng Protected Area Management Board (PAMB) ang isa sa magandang bakasyunan sa Cagayan lalo na ngayong panahon ng tag-init.
Ito ay ang Palaui Island na matatagpuan sa bayan ng Santa Ana, Cagayan.
Ito ay may pino, maputing buhangin at nakamamanghang tanawin mula sa dagat at ng kanyang virgin forest.
Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) katuwang ang Department of Tourism (DOT), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at ng lokal na pamahalaan ng Santa Ana ang pagbukas ng isla para sa publiko maging sa mga turista.
Ayon kay PENRO Chief Engr. Eliseo Mabasa, para sa mga nagbabalak na bumisita sa naturang isla, kailangan lamang na magregister sa itinalagang Registration Area kung saan kailangang magpakita ng valid ID na nagpapatunay na siya ang nagmamay-ari ng vaccination card.
Samantala, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng vandalism, pagka-camping, pagsisindi ng bonfire at pangunguha ng anumang wildlife resources na matatagpuan sa isla.
Ang panunumbalik ng turismo sa bayan ng Santa Ana ay magiging malaking tulong upang makarekober mula sa epekto ng pandemya lalo na’t tinaguriang ‘Number 1 Tourism Destination’ ang Santa Ana.
Ayon na rin sa datos ng DOT, ito ay tinaguriang ‘Your Adventure Paradise’ na isla.
Una nang naitampok ang ganda ng Palaui Island sa buong mundo noong 2014 nang idinaos dito ang ika-27 na season ng sikat na US reality show na Survivor.
Source: PIA 2