Muling umarangkada ang pagbabahagi ng tulong pinansyal at bigas sa mga miyembro ng Persons with Disabilities (PWDs) mula sa Pamahalaang Lungsod ng Angeles sa Barangay Sapalibutad, Angeles City, Pampanga nito lamang Martes, ika-18 ng Marso 2025.
Personal na inihatid ito ng mga miyembro ng Persons with Dissabilities Affairs Office bilang bahagi ng programa ni Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr., na layuning matiyak ang kapakanan ng mga PWDs.
Nakatanggap ng P1,000.00 financial assistance at limang kilong bigas ang 68 benepisyaryo ng naturang barangay na makakatulong para maibsan ang kanilang pinansyal na pasanin at matulungan na makaraos sa araw-araw na gastusin.
Ang pagpapatupad ng mga programa para sa mga PWDs ay nagpapakita ng pagkilala at malasakit sa kanilang kalagayan sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.
Patuloy na nagbibigay ang ating pamahalaan ng mga serbisyo at suporta sa iba’t ibang programa upang matiyak ang pantay na oportunidad at sapat na kalinga para sa lahat, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan.
