Masayang nakilahok ang Cagayano artists at art enthusiasts sa malayang pagpipinta sa naganap na Art Workshop na handog ng Cagayan Museum and Historical Research Center, Cagayano Artists Group, Inc. (CAGI), at SM Center Tuguegarao Downtown noong Hunyo 12, 2023, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Bahagi pa rin ito ng mga aktibidad sa buong buwang selebrasyon ng 440th Aggao Nac Cagayan.
Pinangunahan naman ni Niño Kevin Baclig, Cagayan Museum Curator, at Lucio P. Taguiam Jr., CAGI President ang pagbubukas ng art workshop.
Ayon kay Baclig, taon-taon ay naging tampok na ang mga obra ng mga Cagayano artist sa Aggao Nac Cagayan.
Isa aniya sa mga adhikain ng Cagayan Museum ang maipakita ang husay at galing ng mga manlilikhang Cagayano sa iba’t ibang larangan, hindi lamang sa visual arts.
Binigyang diin din na suportado ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang mga proyektong ganito dahil bahagi ito ng kultura at sining at pagkakaroon ng lalawigan ng Cagayan ng pagkakakilanlan at sa pag-usad patungo sa patuloy na pag-unlad.
Noong nakaraang taon ay nagkaroon din ng art workshop sa selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan na dinumog ng bata at matatandang Cagayano artists. Isa ito sa mga inaabangang aktibidad.
Dagdag pa ni Baclig, ngayong taon lamang ay apat na malalaking art exhibit na ang naisagawa nila sa lalawigan.
Source: Cagayan Provincial Information Office