Matagumpay ang isinagawang Youth Symposium ng 17th Infantry Battalion katuwang ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa Brgy. Masi, Rizal, Cagayan nito lamang Linggo, Mayo 29, 2022.
Nagturo sa naturang aktibidad si Director Plormelinds Olet ng NICA Region 2 patungkol sa usapin ng mapanlinlang na panghihikayat ng teroristang grupo sa mga kabataan upang sumapi sa kanilang samahan.
Ibinahagi naman ni John Carlo Manzano, Youth for Peace (YFP) President ng Cagayan Chapter ang layunin at adhikain ng kanilang grupo na nakasentro para makaiwas ang mga kabataan sa recruitment ng mga miyembro ng makakaliwang grupo.
“Dun tayo sa matinong organisasyon gaya ng YFP at huwag sa CPP-NPA-NDF na sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan,” pahayag ni Manzano.
Nagbahagi rin ng kanyang personal na karanasan si alyas “Jerry” noong siya ay miyembro pa ng teroristang grupo na itinuturing niyang pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay.
Aniya, napakahirap ng kanyang naging buhay sa loob ng samahan dahil maliban sa mapapalayo ka na sa iyong pamilya ay hindi ka pa pwedeng pumunta sa ospital upang magpagamot tuwing sila ay nagkakasakit.
Samantala, nagbigay din ng impormasyon ang mga sundalo ng 501st Brigade kung papaano makakapasok sa Philippine Military Academy (PMA) at Philippine Army kung saan aktibong nagbigay na katanungan ang ilan sa mga kabataan.
Aminado si Director Olet na mahusay ang ginagawang taktika ng mga organisador ng makakaliwang grupo upang madaling maingganyo ang mga kabataan na sumali sa kanila.
Ngunit naniniwala si Director Olet na sa patuloy na pagsisiwalat ng gobyerno sa mga taktikang ito at sa pakikipagtulungan ng mga dating rebelde na nagbibigay impormasyon tungkol sa totoong buhay sa loob ng NPA ay mamumulat ang mga mata ng mga kabataan sa katotohanang ang teroristang grupong ito ay hindi makakatulong sa kanila, bagkus ito ang sisira sa kanilang mga pangarap at magandang kinabukasan.
Source: PIA 2