Muling naghatid ng tulong pinansyal ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga sa mga mag-aaral sa Guagua National Colleges (GNC), nito lamang Biyernes, ika-18 ng Oktubre 2024.
Ang programang hatid ay pinangunahan ni Governor Dennis “Delta” Pineda, kasama si Hon. Anthony Joseph “Tonton” Torres, Mayor ng Guagua at iba pang lokal na opisyal ng naturang lugar.
Nakatanggap ang 1,735 na mag-aaral mula sa nasabing paaralan ng ₱4,000 cash bawat isa, para sa kanilang pag-aaral sa ilalim ng Educational Financial Assistance Program (EFAP), isa sa mga pangunahing programa ng Kapitolyo na naglalayong magbigay ng suporta sa mga mag-aaral para sa kanilang mga pangangailangang pang-edukasyon.
Nagbigay payo naman ang Gobernador ng naturang lalawigan na pahalagahan ang suportang natatanggap mula sa pamahalaan at gamitin ito upang higit pang pagbutihin ang kanilang pag-aaral.
Ang tulong pinansyal na hatid ng pamahalaan ay nagsisilbing inspirasyon sa kabataan na magsikap sa pag-aaral, na siyang makakatulong upang mas mapaunlad ang kanilang nasasakupan sa hinaharap.