Personal na dumalo at pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Cabaruan Solar-Powered Pump Irrigation Project sa munisipalidad ng Quirino sa Isabela nitong ika-10 ng Hunyo 2024.
Kasama sa dumalo sa aktibidad sina Deputy Speaker Cong. Antonio “Tonypet” Albano, Isabela Governor Hon. Rodito Albano III, NIA Administrator Engr. Eduardo “Eddie” Guillen, Municipal Mayor Hon. Edward Juan, mga kapulisan mula sa Isabela Police Provincial Office, at iba pang mga local na mga opisyal ng nasabing bayan.
Ito ang pinakamalaking solar pump irrigation project ng gobyerno sa Pilipinas na nagkakahalaga ng Php65.77 milyon.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na ang pagpapasinaya ng proyekto sa Isabela ay ang susunod na yugto sa pag-unlad ng lalawigan.
Ipinaliwanag ng Pangulong Marcos na sa halip na gumamit ng oil-powered machines para maghatid ng tubig mula sa mga irigasyon patungo sa mga bukirin, magagamit na ng mga magsasaka ang kuryenteng nalilikha mula sa sikat ng araw.
Ito ay naglalayong bawasan ang mga gastos sa produksyon para sa 237 Isabeleño na magsasaka na matagal nang umaasa sa gasolina o diesel-engine na water pump.
Ibinalik din ng NIA ang 17 solar-powered pump irrigation projects na natapos mula CY 2023 hanggang sa kasalukuyan sa mga benepisyaryo mula sa Isabela, Cagayan, at Quirino.
Ang mga proyektong ito ay maaaring magpatubig ng 251 ektarya ng lupang sakahan, na makikinabang sa 867 magsasaka.
Pinasalamatan ni Gobernador Rodito T. Albano III ang Pangulo para sa proyekto, na itinampok ang mga benepisyo nito sa mga magsasaka na dati ay nahirapan sa mga gastos sa pagbili ng krudo para sa irigasyon.
Ito ay pagbibigay pag-asa para sa lahat ng magsasaka sa buong pilipinas para sa Bagong Pilipinas.
Source: Isabela PPO
Panulat ni Jerilyn