Sumiklab ang sunud-sunod na armadong engkuwentro sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at mga hinihinalang miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) ng New People’s Army (NPA) na nagresulta sa pagkakarekober ng mga high-powered firearms at pampasabog sa Barangay Maragat, Kabugao, Apayao noong Abril 5 at 7, 2025.
Nabatid na ang unang sagupaan ay naganap matapos iulat ng mga residente ang presensya ng mga armadong indibidwal sa Sitio Dagui.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga sundalo mula sa 98th Infantry Battalion (98IB) at naka-engkuwentro ang humigit-kumulang 20 miyembro ng ICRC.

Nakumpiska sa lugar ang dalawang M16 rifle, isang Garand rifle, isang M203 rifle, isang 9mm pistol, 22 improvised explosive devices (IEDs), isang rifle grenade, bala, walong cellphone, limang SIM card, 10 USB device, apat na SD card, at iba pang personal na gamit ilan dito ay may bakas ng dugo.
Sa follow-up operation noong Abril 7, muling nagkaroon ng engkuwentro sa parehong grupo na pinaniniwalaang Platoon Dos ng ICRC sa parehong lugar.
Sunud-sunod na engkuwentrong ito ay patunay na ang mga CNT ay patuloy nang tumatakas at nawawalan na ng pwesto.
Patuloy ang mga operasyon ng pwersa ng seguridad sa lugar bilang bahagi ng pinaigting na hakbang upang linisin ang lalawigan mula sa banta ng armadong grupo at panatilihin ang kapayapaan sa probinsya.
