Tumanggap ng relief supplies mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga residente ng Barangay Poblacion Oeste sa Dagupan City na apektado ng Bagyong Enteng nitong ika-5 ng Setyembre 2024 .
Ang pamamahagi ng tulong ay pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa ilalim ng pamumuno ni Ronald de Guzman, kasama si Barangay Kapitan Macmac Gutierrez at ang kanyang konseho.
Bukod sa mga relief goods, namahagi rin ang Pascual Laboratories ng Poten-Cee Forte vitamins. Bilang karagdagang proteksyon, pinayuhan ang mga mamamayan na uminom ng Doxycycline laban sa leptospirosis, isang sakit na kadalasang nakukuha mula sa baha. Kabilang sa ipinamahagi ang Gardenia raisin bread, Ladies Choice real mayonnaise spread, at Top Coffee.
Nananatiling alerto ang pamahalaan ng Dagupan sa pamamagitan ng CDRRMO, Pangasinan Risk Reduction and Management Council (PARMC), City Social Welfare and Development (CSWD), at mga barangay councils, upang tugunan ang mga posibleng banta ng bagyo at pinalakas na habagat. Ang mga lokal na opisyal ay handang magbigay ng tulong anumang oras habang patuloy nilang binabantayan ang kalagayan ng panahon.
Panulat ni Manlalakbay