Naghatid ng relief goods ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga para sa mahigit 6,000 residente ng San Fernando, Camarines Sur, na naapektuhan ng nagdaang Bagyong Kristine nito lamang Sabado, ika-9 ng Nobyembre 2024.
Pinangunahan ni Gobernador Dennis Pineda ang aktibidad, katuwang ang mga tauhan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Ang bawat container ay naglalaman ng bigas at de-latang pagkain, na personal na inihatid ng mga nabanggit na grupo.
“Hindi po namin inakalang may darating pang biyaya sa amin. Maraming salamat po sa tulong na ibinigay ninyo mula pa sa Pampanga,” ani Jun Caseres, isa sa mga benepisyaryo.
Ang inisyatibong ito ay nagpatunay sa diwa ng pagkakaisa at malasakit ng mga Kapampangan sa kanilang mga kababayang nangangailangan.