Nasawi ang isang pulis na tubong Cordillera matapos ang isinagawang follow-up operation sa Blk 11 Lot 4, Palmera Homes, Nova East, Maligaya Parkland, Brgy. 177, Caloocan City, nito lamang ika-13 ng Nobyembre 2022.
Kinilala ang nasawi na si Police Corporal Noel Ogano, tubong Mayoyao, Ifugao at miyembro ng Quezon City Police District SWAT Team habang sugatan naman si Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo, Deputy Commander, District Mobile Force Battalion.
Samantala, kinilala ang suspek na si Martin Luther Nunez, 42, dating kadete ng PMMA, residente ng Blk 11 Lot 4, Palmera Homes, Nova East, Maligaya Parkland, Brgy 177, Caloocan City.
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga nasabing awtoridad tungkol sa indiscriminate firing na naganap sa Blk. 31, Brgy. Pasok Putik, Quezon City kung saan agad namang rumesponde ang mga tauhan ng QCPD na kinabibilangan ni PCpl Ogano.
Habang isinasagawa ang negosasyon sa tirahan ng suspek ay pinaputukan nito ang mga operatiba dahilan na tamaan ng bala ng baril si PCpl Ogano na siyang dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nasawi rin ang suspek matapos ang 30 minuto na pakikipagbarilan sa mga operatiba.
Patunay lamang na ang kadakilaan ni PCpl Ogano ay hindi matatawaran sa pagtupad ng kanyang sinumpaang tungkulin na handang ialay ang kanyang buhay upang mapanatiling ligtas ang ating bansa sa anumang uri ng kriminalidad at terorismo.