Tinalakay sa isinagawang Provincial School Board (PSB) Meeting ang mabilis na pagsasakatuparan sa mga nakalatag na proyekto ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa sektor ng edukasyon nito lamang ika-28 ng Agosto 2024.
Pinangunahan ni Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Administrator ng Cagayan bilang kinatawan ni Governor Manuel N. Mamba ang naturang pagpupulong kung saan ilan lamang sa mga napag-usapan ay ang pagsasaayos at pagtatayo ng maganda at matibay na mga gusali at mga gymnasium sa mga paaralan.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng pagtupad sa mandato at inisyatiba ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba upang matiyak ang maayos na serbisyo at kalidad ng edukasyon para sa mga mag-aaral na Cagayano sa probinsya.
Bahagi nito ay ipinag-utos naman ni Atty. Mamba-Villaflor sa hanay ng Provincial Engineering Office (PEO) na magsagawa ng inspeksyon sa mga lugar na nakatakdang patayuan ng Multi-Purpose Building at Gymnasium upang matiyak ang kalidad ng lupa at lugar na pagtatayuan ng mga gusali.
Dagdag pa rito ang pagsasagawa ng monitoring sa mga pasilidad na nangangailangan ng maintenance at repair upang agad itong matugunan.
Source: CPIO