Namahagi ng ilang agricultural products (inputs, mga gulay, at iba pang high value crops growers) ang Provincial Agriculture Office at Sustainable Development Center ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte sa INAFEC Building, Laoag City nitong Linggo, Hulyo 3, 2022.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ni Mrs. Norma Lagmay, Director, Ilocos Norte Agriculture and Fisheries Extension Center.
Ayon kay Mrs. Norma Lagmay, may kabuuang 2,500 bags ng organic fertilizers, 2,000 bags ng calcium sulfate, 700 bags ng calcium nitrate, at 930 liters ng insecticide ang ibinigay sa mga mango growers, sa pamamagitan ng kani-kanilang local government units at organisasyon.
Ayon pa kay Mrs. Lagmay, bukod sa mga mango growers, nakatanggap din ng mga rice, vegetable, at iba pang high value crops growers ng kabuuang 25 units ng gasoline-fed water pump engine mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte.
Sa kasalukuyan, tinutulungan din ng SDC ang mga magsasaka sa pamamagitan ng paglikha ng mga maliliit na reservoir ng sakahan upang higit na mapabuti ang kalidad ng kanilang mga pananim.
“Malaking kaluwagan sa kanilang gastusin ang mga agri inputs na ito at makatutulong rin sa productivity ng kanilang mga tanim. Higit sa lahat, libre ang mga ito para sa kanila,” ani Mrs. Lagmay.
Ang sektor ng agrikultura ng Ilocos Norte ay patuloy na magbibigay suporta sa pamamagitan ng pag-asikaso sa mga pangangailangan ng iba’t ibang organisasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan. Nagbigay din sila ng contact number para maka-avail at makipag-ugnayan sa PAO at Sustainable Development Center.