Inilunsad ng Department of Education ang Naguilian Project B.R.A.I.N., sa Brgy. Cabaritan Sur, Naguilian, La Union nito lamang Huwebes, Hunyo 2, 2022.
Ito ay pinangunahan ni Public School District Supervisor Joaquin A. Abellera kasama ang iba’t ibang School Heads ng Municipal Reading Program na isinagawa sa pamamagitan ng Seminar Workshop sa Cabaritan Sur Integrated School.
Ang Project B.R.A.I.N. o Be a Reading Advocate in Naguilian ay isa sa mga banner program sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Nieri T. Flores na naglalayong palakasin ang kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Kindergarten hanggang Grade 3.
Kasabay ng paglulunsad nito ay ang pagpapatupad din ng DepEd Naguilian District Reading Program na tinatawag na B.N.B. o “Batang Naguilianon Nakakabasa.”
Kabilang sa mga nakilahok ang mga kinatawan mula sa Department of Education Region 1, La Union Schools Division Office, K to 3 teachers, at Sangguniang Kabataan.
Patuloy naman ang Pamahalaang Bayan ng Naguilian, La Union sa pakikipagtulungan sa sektor ng edukasyon upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Source: Municipality of Naguilian, La Union