Sa isang makasaysayang seremonya nitong Sabado, opisyal na tinanggap ng Peru Farmers Association ang natapos na Phase II ng Peru Solar Pump Irrigation Project na nagkakahalaga ng Php9 milyon.
Ang nasabing proyekto ay pormal na ipinasa sa samahan sa Peru Barangay Hall sa pangunguna ni G. Antonio Bulusan, tagapangulo ng asosasyon.
Ang Peru Solar Pump Irrigation Project, na binubuo ng Phase I at II ay naglalayong patubigan ang 20 ektaryang sakahan na pinakikinabangan ng 67 magsasaka.
Ang proyekto ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng National Irrigation Administration (NIA) Region II, NIA-Comprehensive Agrarian Reform Program-Irrigation Component (CARP-IC), NIA-Cagayan-Batanes Irrigation Management Office, at Department of Agrarian Reform (DAR).
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Engr. Geffrey B. Catulin, Division Manager ng NIA-CBIMO, ang malaking tulong ng proyekto sa mga magsasaka. “Kung dati ay sa tubig ulan lang tayo umaasa, ang proyektong ito ay makatutulong upang mapalago pa ang inyong ani at kalaunan ay ang antas ng pamumuhay ng bawat magsasaka. Whole-of-a-Nation Approach po tayo. Nagtutulungan ang DA, DAR, NIA at LGU sa mga programang sumusuporta sa ating mga magsasaka,” ani Catulin.
Hinikayat naman dito ang mga benepisyaryong magsasaka na maging responsable at manatiling nagkakaisa sa pangangalaga ng proyekto.
Binibigyang-diin nila ang tamang paggamit nito upang masiguro ang tagumpay ng inisyatiba.
Nagtapos ang seremonya sa isang masayang salu-salo na nagpatibay sa samahan at pagkakaisa ng mga magsasaka at mga opisyal na nagtaguyod ng proyekto.
Source: NIA CAYAGAN VALLEY