Iginawad ng Department of Labor and Employment Region 2 sa ilalim ng kanilang DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) ang Php61.8M halaga ng assistance sa Independence Day Job Fair na ginanap sa Robinsons Place, Tuguegarao City nito lamang Linggo, Hunyo 12, 2022.
Umabot sa 4,365 trabaho mula lokal at abroad ang binuksan ng 59 na establisyemento ang inialok sa naturang programa kung saan 3,257 job seekers mula online at face-to-face ang sumubok.
Samantala, nakatanggap naman ang Provincial Government of Cagayan ng Tupad Cheque na nagkakahalaga ng Php55,880,000, Php3.7M Tupad Cheque para sa Local Government Unit (LGU) ng Peñablanca, Cagayan at livelihood cheques na nagkakahalaga ng Php159K at Php1.2M para sa Starter Kits at NegoKarts para sa LGU Tuguegarao City at LGU Sanchez Mira, Cagayan mula sa DOLE RO2.
Bukod pa dito, ginawaran din ng livelihood cheque na nagkakahalaga ng Php638,600 ang 25 SinTax beneficiaries samantalang 11 na magulang ng child laborers ang naging benepisyaryo mula sa Php274,384.
Nagkaroon din ng One-Stop-Shop para sa kanilang mga serbisyo ang Philippine Statistics Authority, TESDA, Pag-Ibig, Department of Trade and Industry, Social Security System, Department of Foreign Affairs, Department of Tourism, at PhilHealth.
Itinampok din sa isang business and trade fair ng DOLE RO2 at DTI RO2 ang mga produkto ng iba’t ibang asosasyan at indibidwal mula Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino na maaaring bilhin ng mga kalahok sa job fair.
Isang Memorandum of Agreement (MOA) naman ang nilagdaan ng DOLE Region 2 at DOH Region 2 accredited COVID-19 testing centers sa ilalim ng DOLE Department Order No. 233-22 para sa libreng COVID-19 Testing ng mga Newly-Hired Job seekers na dinaluhan ng Southern Isabela Medical Center, San Antonio City of Ilagan Hospital, Cagayan Valley Medical Center, at Philippine Red Cross Molecular Laboratory.
Nagbigay din ng libreng COVID-19 vaccination ang Department of Health bilang parte ng kanilang Bayanihan, Bakunahan vaccination drive sa mga lumahok na job seekers.
Samantala, nasa kabuuang 212 indibiduwal ang natanggap sa trabaho on-the-spot sa nangyaring Job fair.
Source: DOLE Region 2