Pinasinayaan ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang Php4 milyong halaga ng Support to Barangay Development Project (SBDP) ng National Task Force-ELCAC sa Barangay Bural, Zinundungan Valley, Rizal, Cagayan.
Ang isa sa mga proyekto ay ang farm-to-market road sa Barangay Bural na nagkakahalaga ng Php2.5 milyon kung saan mapapakinabangan ito ng komunidad upang mas mailapit pa ang kanilang produkto sa kanayunan.
Ang Health Station ay nagkakahalaga naman ng Php1.5 milyon. Ang community-based health center ang siyang magbibigay ng paunang lunas sa mga residente na makararanas ng nakakahawang sakit at iba pang serbisyo medical. Magiging tungkulin naman ng lokal na pamahalaan ng Rizal ang pamamahala sa operasyon ng health center.
Nagpasalamat naman si Barangay Captain Evelyn Baloran sa NTF-ELCAC sa pagbibigay oportunidad sa kanyang barangay na aniya’y napakalaking tulong sa kanyang nasasakupan.
“Sa layo po ng lugar namin, napakahirap pumasok ng serbisyo dito. Naranasan namin ang sobrang hirap na dulot na rin ng kawalan ng proyekto dahil sa pananabotahe ng mga NPA. Pero dahil sa tiyaga ng ating kasundaluhan na linisin ang aming lugar, eto na po ngayon ang barangay Bural. May maayos na farm-to-market road at health station. Unti-unti, ang progreso ay nakikita na sa aming lugar,” saad ni Baloran.
Ang barangay Bural ay dating pinamumugaran ng mga rebeldeng NPA subalit dahil sa Community Support Program (CSP) ng Philippine Army at iba pang ahensya ng pamahalaan at Local Government Unit (LGU) ay tuluyan na itong idineklarang insurgency-cleared barangay noong 2020.
Source: Cagayan Provincial Information Office