Nakatanggap ng tulong ang kabuuang 500 na benepisyaryo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na idinaos sa Municipal Capitol Auditorium, Bontoc, Mountain Province nito lamang ika-5 ng Hulyo 2024.
May kabuuang budget na Php1,500,000 ang inilaan para sa programa sa mga benepisyaryo kabilang ang mga barangay officials at functionaries, Barangay Health Workers, Child Development Workers, Green Police, at Tricycle and Public Utility Jeepney (PUJ) drivers.
Sa kanilang mga mensahe, ipinaabot nina Congressman Dalog at SP Member Gomez ang kanilang pasasalamat kina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pagkonsepto ng nasabing programa.
Idinagdag pa ni Cong. Dalog, na ang programa ay naaayon sa programang “Bagong Pilipinas” ng kasalukuyang administrasyon na naglalayong iangat ang kalagayan ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng komprehensibong social welfare programs.
Samantala, binigyang-diin ni Mayor Tudlong ang kahalagahan ng programa sa pagpapagaan ng mga pakikibaka sa ekonomiya ng mga benepisyaryo at nagpasalamat kay Pangulong Marcos, House Speaker Romualdez, DSWD, Pamahalaang Panlalawigan, at Congressman Dalog sa kanilang patuloy na suporta. Hinikayat din niya ang mga benepisyaryo na gamitin nang maayos ang tulong para sa ikabubuti ng kanilang pamilya.