Dagupan City – Inilunsad ng Philippine Red Cross (PRC) Pangasinan Chapter ang “Bakuna Bus” sa Brgy. West Central Elementary School, Dagupan City nitong Lunes, Hunyo 6, 2022.
Katuwang ng nasabing programa ang Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at Pamahalaang Lungsod ng Dagupan.
Ayon kay Rex Vincent Escaño, Officer-in-Charge, PRC Chapter Administrator Pangasinan, ang deployment ng Bakuna Bus sa Dagupan City ay naglalayong palakasin ang vaccination program ng gobyerno para maprotektahan ang mga hindi nabakunahan laban sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Dagdag pa ni Escaño, dapat nating isaisip na ang pagpapabakuna ay malaking tulong upang madadagdagan ang proteksyon natin laban sa COVID-19 lalo na para sa mga kabataan na may edad 5 hanggang 11 taong gulang.
Ang PRC Bakuna Bus ay isang bus na naglalaman ng nakaset-up na pasilidad para sa pagbibigay ng mga bakuna at suplay para sa COVID-19 na mayroong tamang espasyo para sa mga magpapabakuna.
Ito ay isang paraan ng PRC sa pagdadala ng mga bakuna at impormasyon sa mga tao upang makamit ang herd immunity na humihikayat sa kanilang pag-aalinlangan na mabakunahan.
Tinawag din bilang “Health on Wheels,” ang Bakuna Bus dahil ito ay may kapasidad na magbigay ng mobile COVID-19 vaccination sa Pangasinan na sinusuportahan naman ng Coca-cola Foundation.
Target nito na mabakunahan ang 1,000 indibidwal kada araw sa loob ng 10 araw, lalo na ang mga kabataan.
“Nais naming pasalamatan ang DepEd at PRC sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa DOH. Malaking tulong ito para sa accessibility ng ating mga health worker papunta sa mga kabataan. Napakaimportante ang pagbabakuna para mabigyan ng matibay na proteksyon ang kalusugan mula sa dulot ng pandemya sa ating bansa,” pahayag ni Dr. Paula Paz Sydiongco, DOH Ilocos Regional Director.
Source: PIA Pangasinan – Philippine Information Agency Pangasinan