Pormal nang inilunsad ng Provincial Government of Cagayan ang programang “Fit & Focused: A Weekly Exercise Program for Provincial Government Employees” sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO) nito lamang ika-23 ng Mayo 2025.
Ginanap ito sa mismong Kapitolyo ng Cagayan at dinaluhan ang unang sesyon ng aktibidad ng mga kawani mula sa iba’t ibang tanggapan.
Layunin ng programang ito na bigyang-panahon ang mga kawani na makapaglaan ng isang oras tuwing Biyernes na mag-ehersisyo, isang simpleng hakbang para maging mas aktibo, maibsan ang stress, at mapabuti ang kanilang kalusugan habang ginagampanan ang tungkulin bilang mga lingkod-bayan.

Batay sa inilabas na iskedyul, ang unang bahagi ay magkakaroon ng Yoga sessions mula Mayo hanggang Hunyo, susundan naman ito ng Ballroom Dancing sa Hulyo hanggang Setyembre, at Aerobics naman sa Oktubre hanggang Disyembre.
Ang programang ito ay bahagi ng inisyatibo ng PGC na palakasin hindi lamang ang pisikal na kalusugan kun’di pati na rin ang mental well-being at samahan ng mga kawani sa loob ng kapitolyo ng Cagayan.
Samantala, umaasa naman ang pamunuan ng PHO na sa pamamagitan ng aktibidad na ito ay mas marami pang mahikayat na mga kawani na pahalagahan ang isang aktibo at balanseng pamumuhay na magdudulot ng mas malusog, mas masaya, at mas produktibong serbisyo publiko.
Source: CPIO