Namahagi ng libreng seedlings ang Provincial Environment and Natural Resources Office-Abra (PENRO-Abra) sa Bangued, Abra nito lamang ika-3 ng Hunyo 2024.
Ang pamamahagi ng libreng mga punla ay bahagi ng Community PanTree bilang kick-off activity para sa pagdiriwang ng World Environmental Month at nang pagdiriwang sa ika-37 na Anibersaryo ng Department of Environment and Natural Resources.
Iba’t ibang punla ang naipamahagi sa mga residente at iba pang stakeholders kabilang ang Narra, Gmelina, at Mahogany tree seedlings.
Ayon kay Mr. Marcelo Bumidang, PENR Officer, nasa 15,000 seedlings ang libreng pamamahagi kayat hinimok nya ang mga Abrenian na nais magtanim ng mga puno na bumisita sa kanilang tanggapan para sa libreng punla.
Maliban dito, ang mga ipapamahaging mga seedlings ay susubaybayan ng PENRO upang matiyak ang kaligtasan at pangangalaga sa mga puno upang mapanatili ang mga puno sa kagubatan na makakatulong sa pagprotekta sa komunidad mula sa mga sakuna tulad ng pagbaha.
Samantala, ang pamamahagi ng libreng punla ng puno ay bahagi rin ng rehabilitasyon at reforestation ng mga watershed sa lalawigan upang mapanatili ang Abra water basin na pangunahing pinagkukunan ng pagkain at economic asset para sa Abra.