Maayos na isinagawa ang peace talk sa pagitan ng tribong Dalican at Fidelisan sa Mt. Province Police Provincial Office, Camp Montes, Poblacion, Bontoc, Mountain Province nito lamang ika-7 ng Disyembre 2022.
Gumanap na tagapamagitan si Police Colonel Silby Dawiguey Jr., Provincial Director ng Mt. Province Police Provincial Office kasama sila Lieutenant Colonel Marcelo Valdez, Battalion Commander, 69th Infantry Battalion, Philippine Army, Hon. Johnson D Bantog II at Hon. Ezra A Gomes, pawang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Naging usapin ang problema ng dalawang tribo hinggil sa land dispute at mga bounderies ng kanilang mga nasasakupan.
Ang pagdinig sa ulat ng dalawang panig ay dinaluhan ng mga tribal elders at opisyal ng barangay ng Brgy. Dalican sa pamumuno ni Hon. Reynald Waking habang si Fidelisan ay pinamumunuan ni Hon. Peter Patong.
Bilang resulta ng kanilang peace dialogue, nagpasya ang magkasalungat na grupo na suriin muli ang pinagtatalunang bounderies na nagresulta ng isang resolusyon na pinamagatang “Amendment of the portion of the Map of Political Boundary of Sagada Cadastre, CAD-502-D particularly affecting the boundary claim of Fidelisan ethnic group-Northern Barangays of Sagada Municipality and that of Barangay Dalican of Bontoc Municipality to the Secretary of the Department of Environment and Natural Resources”.
Samantala, umapela ang mga tagapamagitang mula sa hanay ng pulisya at sundalo sa parehong mga kinauukulang grupong etniko na huwag gumawa ng anumang masamang aksyon na maaaring masira ang integridad ng kanilang mutual commitment tungo sa mapayapang pag-aayos ng kanilang alitan.
Nag-alok naman ang mga kinatawan ng sangguniang panlalawigan ng tulong sa dalawang tribo na makakatulong upang wakasan ang matagal na nilang alitan.
Higit pa rito, napagkasunduan ng mga tribal leaders at mga tagapamagitan na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa pagresolba sa mga tribal conflict hinggil sa lupain at iba pang usapin.