Hindi nagpatinag ang kampo ng kapulisan sa mga paratang at pananakot ng mga sumusuporta sa wanted na pastor ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy.
Ang mga panunuya at pananakot ay kaugnay ng malaking operasyon na ikinasa sa Lungsod ng Davao kaninang umaga ng Agosto 24, 2024 upang isilbi ang warrant of arrest ng pastor.
Sinabi ni PBGen Nicolas D. Torre III sa media na maghain na lamang ng reklamo ang may mga problema sa kanilang isinasagawang operasyon.
Ang mga Warrant of Arrest na inilabas ng korte sa Pasig ay kaugnay ng mga paratang laban kay Quiboloy dahil sa trafficking in person, child abuse, at iba pa.
Nauna nang nanindigan ang pamunuan ng pulisya na kanilang sasagutin sa tamang “venue” ang mga reklamo ukol sa pagpapatupad ng batas.
Binanggit naman ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa isang panayam na magpapatuloy ang pagsisilbi ng Warrant of Arrest kay Quiboloy hangga’t hindi siya nahuhuli o walang kaukulang kautusan mula sa korte.
Matatandaan na naghain ng “Writ of Amparo Petition” ang kampo ni Quiboloy laban kay Police General Rommel Francisco Marbil at iba pang matataas na opisyal ng kapulisan para sa alegasyon, na pawang walang mga katibayan, ng paglabag sa kanilang karapatan. Ang “Writ of Amparo” ay isang remedyo para sa isang tao na diumano’y nalapastangan ang karapatan sa seguridad, buhay, at kalayaan ng isang pribadong indibidwal man o kawani ng gobyerno, ngunit hindi magdidikta ng pananagutang kriminal.