Isang makabuluhang hakbang ng malasakit ang isinagawa ng pamahalaan ng Bulacan sa pamamagitan ng pagbisita at pamimigay ng tulong sa mga residente na naapektuhan ng isang matinding sunog sa Barangay Zamora, Lungsod ng Meycauayan nito lamang ika-20 ng Enero, 2025.
Ang aktibidad ay personal na dinaluhan ni Governor Daniel R. Fernando kasama si Vice Governor Alex C. Castro.
Bilang bahagi ng agarang pagtugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng mga nasalanta, namahagi ang gobernador at bise gobernador ng mga grocery packs, isang sakong bigas para sa bawat pamilya, at pinansyal na tulong upang makatulong sa kanilang muling pagbangon.
Ayon sa ilang residente, malaking ginhawa ang hatid ng ayudang ito lalo na’t marami sa kanila ang nawalan ng tirahan at kabuhayan.
Pinuri rin ng mga mamamayan ang mabilis na aksyon ng lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Patuloy namang nananawagan si Governor Fernando sa iba pang sektor at organisasyon na makipagtulungan sa pagbibigay ng suporta sa mga biktima ng trahedya.
Ang naturang relief operation ay bahagi ng mas malawakang programa ng pamahalaan upang masigurong walang maiiwang Pilipino sa gitna ng sakuna.