Matagumpay ang isinagawang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo ng Isabela Recovery Initiatives to Support Enterprises (I-RISE) at BRO for Education (BRO-Ed) scholars mula sa mga iba’t ibang munisipalidad ng Luna, Reina Mercedes, at Naguilian nito lamang ika-18 ng Setyembre 2024.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Hon. Rodito T. Albano III Provincial Governor ng Probinsya ng Isabela, kasama si Hon. Faustino “Bojie” G. Dy III, Provincial Vice-Governor at iba pang opisyales ng naturang lalawigan.
Sa ilalim ng I-RISE program, namahagi ang PGI ng P1.27 milyon na livelihood support sa 798 benepisyaryo, kabilang ang mga ambulant vendor, barbero, beautician, masahista, butchers, at stevedores.
May kabuuang 1,696 BRO-Ed scholars ang nakatanggap ng educational assistance para sa 1st semester ng SY 2023-2024, na nagkakahalaga ng P5.2 milyon.
Namahagi din ng allowance ang pamahalaang panlalawigan sa 1,333 BRO-Ed scholars para sa 2nd semester ng SY 2022-2023, na nagkakahalaga ng P4.1 milyon. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng sako-sakong bigas mula sa pamahalaang panlalawigan.
Pinupuri ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa matagumpay na pamamahagi ng tulong pinansyal at suporta sa ilalim ng I-RISE at BRO-Ed programs.
Ang kanilang dedikasyon sa pagtulong sa mga kabuhayan at edukasyon ng mga mamamayan ay isang inspirasyon, nagpapakita ng tunay na malasakit at pagsuporta sa kinabukasan ng kanilang probinsya.
Source : ISABELA PIO