Sa kamakailang paglabas ng Administrative Order No. 14, ipinakita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang layunin na mapabilis ang rehabilitasyon ng Marawi City sa Lanao Del Sur.
Sa pamamagitan nito, ibinasura ang naunang mga Administrative Orders 3 at 9, Series of 2017, upang tugunan ang mga isyu tulad ng mga delay sa housing projects at iba pang mga hadlang sa pagbangon ng lungsod.
Sa bisa ng kautusang ito, binigyan ng direktiba ni Pangulong Marcos ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na magtulungan kasama ang Local Government Units o LGUs. Kabilang sa mga ahensya na ito ang Department of Interior and Local Government, Department of Human Settlements and Urban Development, at Department of Public Works and Highways.
Pinangako rin ng ilang ahensya tulad ng Department of Health at Department of Social Welfare and Development na tutugon sa mga pangangailangan ng mga residente habang itinataguyod ng Department of Trade and Industry ang mga negosyo at kabuhayan sa lungsod.
Sa panig ni Lanao Del Sur Representative Zia Adiong, itinuring niya ang kautusang ito bilang isang strategic move na makakatulong na mapabilis ang pagbangon ng Marawi.
Ang hakbang na ito ng pamahalaang Marcos ay nagpapakita ng determinasyon na muling itayo ang Marawi mula sa pinsalang dulot ng mga teroristang grupo. Sa pangakong ito ng pagtutulungan ng ehekutibo at lehislatura, inaasahang masisiguro ang mabilis at mahusay na rehabilitasyon ng lungsod.