Pinangunahan ni Governor Ramon Mon-Mon Guico III ang pagpapasinaya at pagbasbas sa Out-Patient Department (OPD), bagong ultrasound at X-ray machine ng Umingan Community Hospital (UCH) nito lamang Sabado, ika-12 ng Oktubre 2024.
Ito ay parte ng patuloy na modernisayon ng mga pasilidad sa labing apat na ospital na pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan.
“Alam ninyo, tayo pong taga-ospital kailangan pagbutihin natin ang ating trabaho at alam ko these two years and four months that I have served as your governor, much is improved in our hospital system, and thanks to all of you chief of hospitals, all of you employees,” saad ni Governor Guico.
“Ang ating ospital po ay isa sa pinakamaliit in terms of land area at infrastructure. Pero isa po ang Umingan Community Hospital sa may pinakamalaking support na natanggap mula kay Governor Monmon. Binigyan niya kasi ng prayoridad ang healthcare at kalusugan ng mga mamamayan ng Pangasinan”, tugon naman ni Dr. Sonny Edward V. Urbano ang hepe ng UCH.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang konstruksiyon ng state of the art Umingan Community Hospital sa Barangay Gonzales. Isa ito sa mga prayoridad na proyekto ni Governor Guico.
Kasama sa programa sina Vice Governor Mark Ronald DG Lambino, mga opisyal ng LGU Umingan sa pangunguna ni Vice Mayor Chris Evert Tadeo-Leynes, Provincial Legal Officer Atty. Babyruth F. Torre, PHMSO Medical Officer III Dr. Raquel S. Ogoy, 6th District Board Member Noel C. Bince at Board Member Salvador M. Perez, chief of hospitals, empleado, at mga bisita.
“Marami pa pong pangarap para sa lalawigan ng Pangasinan. Ang atin pong sinimulan ng nakaraang dalawang taon kung naririnig ninyo ang usapan ng gobernador at liders ng probinsya, alam naman ninyo kung saang direksyon papunta ang lalawigang Pangasinan,” pahayag naman ni Vice Governor Lambino. Kasabay ng modernisayon, suportado ni Governor Guico ang mga seminar at pag-aaral para sanayin ang mga healthcare professionals sa paggamit ng mga bagong medical equipment.
Sa ganitong paraan, hindi lamang ang mga pasilidad ang napapabuti kundi pati na rin ang kakayahan ng mga ito na magbigay ng serbisyong pangkalusugan.