Iginawad ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang isang 95-horsepower na Kubota farm tractor sa isang organisasyon ng mga magsasaka na binubuo ng iba’t ibang tribo sa Barangay Nambaran, Tabuk City, Kalinga noong Agosto 3, 2023.
Ayon kay Michael Gillies, kawani ng DAR-Kalinga, napili ang Inter-Tribal Agriculture Cooperative (ITAC) bilang benepisyaryo dahil sa mga miyembro nito na tumatanggap ng Certificate of Land Ownership Award o (CLOA).
Bukod din aniya sa farm tractor na kayang magtrabaho sa 50 ektaryang bukirin, pinaplano rin ng DAR na bigyan ang ITAC ng tatlong unit ng power tiller, tatlong unit ng grasscutter, farm subsidies tulad ng seeds, at iba pang farm tools.
Itinatag noong Hunyo 2022 ang ITAC na kasalukuyang mayroong 33 regular na miyembro kasama si Brandy Bidalan bilang Chairman.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni Bidalan sa DAR sa kanyang tractor na natanggap sapagkat ito ay malaking tulong sa kanilang pagsasaka.