Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya kasama ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Nueva Vizcaya ay nagbigay ng mga oportunidad sa pagnenegosyo sa tatlumpung (30) Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula Nueva Vizcaya Provincial Jail noong Disyembre 7-9, 2022.
Ang pangunahing layunin ng nasabing programa ay upang matutunan ng mga PDL na ito ng mga kinakailangang training at teknolohiya, nang sa gayon ay mabago sila at mahubog upang maging negosyante.
Inaasahang magbibigay ito sa kanila ng panibagong pag-asa at pagkakataon, at magiging positibong kontribyutor sa kani-kanilang komunidad bilang parte ng lipunan.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng Innovative Project ng Pamahalaang Panlalawigan na pinamagatang “Vizcaya’s Optimization of Incubation Centers for Economic Sustainability (VOICES)” na pinondohan ng National Innovation Council (NIC).
Sa ilalim ng innovation scheme na ito, ang mga PDL (o incubatee) ay nakagawa ng mga gamit/produktong handicraft gaya ng katutubong lampshade at beadworks. Ang mga produktong ito ay inaasahang magiging bahagi ng pangunahing merkado kasunod ng kanilang reformation program.
Kasama sa mandato nito ang PRAYERS IN FAITH, agenda ng kasalukuyang administrasyon sa pangunguna ni Gobernador Carlos M. Padilla na may layong sa pag-asenso ng lalawigan tungo sa pag-unlad.