Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa naganap na engkwentro sa pagitan ng kasundaluhan at mga miyembro ng NPA sa Barangay Upper Atok, Flora, Apayao nito lamang ika-20 ng Oktubre 2023.
Batay sa ulat, rumesponde ang mga tauhan ng 17th Infantry Battalion ng Philippine Army dahil sa report ng isang concerned citizen na may presensya ng komunistang grupo sa nasabing lugar na nagresulta sa sagupaan ng tinatayang nasa siyam na kasapi ng Komiteng Probinsya Cagayan ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV) na pinamumunuan ni alyas “Simoy”.
Umabot sa mahigit limang minuto ang palitan ng putok ng magpulasan sa iba’t ibang direksyon ang mga NPA at iniwan ang kasamahang wala nang buhay.
Kasalukuyan pang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng nasawing NPA.
Narekober sa pinangyarihan ang isang M16 rifle na may nakakabit na M203 grenade launcher, walong pirasong 40MM na bala, isang jungle pack, isang commercial radio, dalawang improvised na flashlight, medical paraphernalia at mga personal na gamit.
Patuloy naman ang panawagan ng pamahalaan sa mga natitirang kasapi ng NPA na talikuran ang armadong pakikibaka at magbalik-loob para tamasahin ang naipangakong benepisyong nakalaan sa kanila.