Nagsagawa ang National Housing Authority (NHA) ng People’s Caravan sa mga residente sa Northville 14, Barangay Calulut, City of San Fernando, Pampanga nito lamang Lunes, ika-12 ng Agosto 2024.
Matagumpay ang naging programa sa pangunguna ni Ms Minerva Calantuan, Regional Manager, NHA Region 3, kasama si Hon. Dennis G. Pineda, Gobernador ng Pampanga.
Sa temang “Serbisyong Dala ay Pag-asa,” ang People’s Caravan ay nagbigay ng maraming benepisyo sa komunidad sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng 32 na iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Umabot sa 1838 na mga residente ang nakinabang mula sa iba’t ibang serbisyo at tulong na iniaalok ng mga ahensya.
Ang mga serbisyo ay sumaklaw sa iba’t ibang aspeto ng buhay ng mga tao, mula sa medikal na tulong hanggang sa mga dokumentong legal, pati na rin ang impormasyon at mga programa para sa mga benepisyaryo ng pabahay.
Ilan sa mga ahensya ay ang Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund, Department of Trade and Industry (DTI), at Philippine National Police (PNP), kasama ang iba pang ahensya na lumahok upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente.
Ang nasabing programa ay naglalayong tugunan ang mga pangangailangan ng komunidad sa isang organisado at accessible na paraan, isang konkretong halimbawa ng malasakit at pag-unlad sa serbisyo publiko na nagsusulong ng makabuluhang pagbabago para sa Bagong Pilipinas.