Iginawad ng Department of Health (DOH), katuwang ang Galing Pook Foundation ang pagkilala sa mga kontribusyon ng Development Partners, Civil Society Organizations, National Government Agencies at Private Corporations na pasok sa pagpapalaganap ng “Health is Life” Campaign ng kagawaran para sa mas malusog na pamumuhay ng mga Pilipino.
Ang 1st Cagayan PMFC sa pamumuno ni Force Commander PMaj Rexon B Casaway ay itinanghal bilang Silver Awardee bilang pagkilala sa kahusayan at tagumpay nito sa pagpapalaganap ng Healthy Pilipinas, sa pamamagitan ng Best Emerging Projects nito, kabilang na ang Project CASI (Comprehensive Assistance for Students and Indigenous People).
Sa ilalim ng naturang proyekto ay iba’t ibang tulong ang naipaparating ng naturang unit sa mga mag-aaral, lalong-lalo na sa mga nasa liblib na mga lugar, kabilang na rito ang pamamahagi ng libreng mga gamot at bitamina, hygiene kits, maging ang pagsasagawa ng feeding program, at marami pang iba.
Sina Operations Officer Police Captain Ian Michael Acasili at Assistant Provincial Community Affairs Section PNCO Police Corporal Leon Kersii Gumabay ang tumanggap sa naturang pagkilala.
Source: Radyo Pilipinas Tuguegarao