Sa patuloy na pagsunod sa kanilang walang sawang layunin, pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development Field Officer Cordillera (DSWD FO CAR) Regional Director Maria A. Catbagan-Aplaten ang pagsagawa ng Project M.A.R.T.H.A. (Mobilizing Advocates to Reach, Transform, and Help All in Need) sa Mainit, Bontoc, Mountain Province nito lamang ika-22 ng Nobyembre 2024.
Naging matagumpay ang aktibidad dahil sa patuloy na pakikipag-ugnayan ang DSWD sa iba’t ibang ahensya at organisasyon upang maihatid ang mga serbisyong panlipunan sa mga lugar na malalayong marating at mahihirap na komunidad sa Cordillera.
Sa naturang aktibidad, isinagawa ang pay-out para sa humigit-kumulang 100 benepisyaryo ng AKAP (Ayuda Para sa Kapos at Kita Program) at 80 benepisyaryo ng Social Pension Program na pinangasiwaan ng SWAD Office.
Bukod pa rito, ang proyekto ay nakatuon din sa mga nakatatanda, mag-aaral sa elementarya, at mga bata sa child development centers na hindi nasasakop ng regular na mga programa ng Department of Social Welfare and Development kaya namahagi ang mga ito ng mga mahahalagang gamit tulad ng mga gamit sa paaralan, damit, libro, laruan, at hygiene kits na nagmula sa iba’t ibang donor at tagapagtaguyod. Kasama rin ang mga kinatawan mula sa iba pang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Local Government Unit ng Bontoc, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, at Department of Education na nagbigay ng mahahalagang paalala sa komunidad, partikular sa kaligtasan at kapakanan ng mga sektor na mas nangangailangan ng proteksyon.
Ang ikalimang serye ng Project M.A.R.T.H.A. ay muling nagpakita ng pagsasanib-puwersa ng pampubliko at pribadong sektor upang maglingkod at tumulong sa mga komunidad na nangangailangan.