Sumailalim sa pagsasanay sa Mushroom Production ang mga magsasaka mula Alcala, Cagayan na ginanap sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Brgy. Anquiray, Amulung, Cagayan nito lamang Biyernes, Oktubre 7, 2022.
Naisakatuparan ang nasabing aktibidad sa pamumuno ng Office of the Provincial Agriculturist ng probinsya ng Cagayan.
Layunin ng pagsasanay na mabigyan ng kaalaman ang mga magsasaka sa probinsya upang magamit nila sa pagkakaroon ng karagdagang kita para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Bukod sa mushroom production, nagbibigay din ang farm school ng mga pagsasanay sa hydroponics at aquaponics system kung saan tinuturuan silang magtanim ng iba’t ibang gulay gaya ng pechay, lettuce, kamatis, kangkong, at pipino gamit ang kakaunting lupa. Pinapalaki ang mga ito sa tubig na maliit din ang espasyo kung saan inaalagaan ang mga hito at tilapia.
Pasasalamat naman ang naging tugon ng mga benepisyaryo ng programa sa ibinibigay na tulong sa kanila ng gobyerno na napapakinabangan nila para magkaroon ng karagdagang kita.
Source: Cagayan PIO