Masayang tumanggap ng Livelihood Assistance mula sa DSWD ang mga kwalipikadong kalahok ng Sustainable Livelihood Program mula sa iba’t ibang bayan ng Pampanga na naganap sa Lubao, Pampanga nito lamang ika-16 ng Setyembre, 2024.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Regional Program Coordinator Wilma T. Gutierrez at Zephyrinus C. Co, SLP Pampanga Provincial Coordinator kasama ang iba pang kinatawan mula sa SWAD SLP Pampanga. Ito ay inisyatibo ng DSWD Field Office III sa ilalim ng pamumuno ni Venus F. Rebuldela, Regional Director.
Bilang bahagi ng adbokasiya ng pamahalaan na paunlarin ang kabuhayan ng mga Pilipino, tumanggap ng Php15,000.00 livelihood assistance ang 94 na kwalipikadong kalahok ng SLP mula sa iba’t ibang bayan ng Pampanga. Ang mga benepisyaryo ay mula sa Lubao, Floridablanca , Sta. Rita , Porac, Sta. Ana, Minalin, at Magalang.
Ang tulong na naibigay ay maaaring gamitin ng mga benepisyaryo para sa pagpapalago ng kanilang mga kabuhayan, gaya ng pagsisimula ng maliliit na negosyo o pagpapaunlad ng mga kasalukuyang hanapbuhay.
Inaasahan na ito ay magdudulot ng mas malaking oportunidad para sa kanilang pangmatagalang pag-unlad.
Kasabay ng seremonya, isinagawa rin ang “Kadiwa ng Pangulo,” isang aktibidad kung saan tampok ang mga lokal na produkto ng Pampanga.
Layunin nito na ipakita ang talento at kasipagan ng mga lokal na negosyante habang nagbibigay ng oportunidad na makilala ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado.
Patuloy ang pagtutok ng gobyerno sa pagpapabuti ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga makabuluhang programa at tulong pangkabuhayan.