Naghandog ang pamahalaang lokal ng Nueva Ecija ng mga kagamitang pangkabuhayan para mga dating miyembro ng Communist Terrorist Group sa Barangay San Jose, Licab, Nueva Ecija nito lamang ika-20 ng Hunyo 2022.
Ang inisyatibong ito ay mula sa pagtutulungan ng pamahalaang lokal ng Nueva Ecija na sina Municipal Mayor Eufemia Domingo at Juanito A Santiago, Barangay Chairman katuwang ang Department of Labor and Employment at 84th Infantry (Victorious) Battalion.
Ang mga dating miyembro ng Communist Affiliated Mass Organization at ngayon ay binansagang Bagong Pag-asa Farmers Association ay nakatanggap ng Mushroom Production Livelihood Starter Kit.
Ang kit ay naglalaman ng isang shredder machine, isang repacking machine, apat na pirasong drum, tatlong dosenang plastic bag, tatlong kilo ng rubber bands, isang libong piraso ng fruiting bags at labingwalong piraso ng PVC pipes.
Layunin nitong mabigyan ng hanapbuhay ang mga dating miyembro ng CTG para pangtustos ng pang araw-araw na pangangailangan.
Ayon kay Lieutenant Colonel Enrico Gil C Ileto, Commanding Officer ng 84th IB, handang alalayan at pagyamanin ang organisasyong nabuo.
Samantala, nagpasalamat naman si MGen Andrew D Costelo, Commander ng 7th Infantry (Kaugnay) Division sa suporta ng lokal na pamahalaan ng Nueva Ecija sa pagbabalik-loob ng mga dating miyembro ng CTG sa nasabing barangay.
Ang nasabing barangay ay benepisyaryo din ng Support to Barangay Development Program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).