Narekober ng mga militar ang mga bala ng baril at personal na kagamitan ng Communist Terrorist Group pagkatapos ng engkuwentro sa Sitio Katungawan, Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan nitong Miyerkules, Mayo 18, 2022.
Ayon kay Lieutenant Colonel Magtangol C Panopio, Battalion Commander ng 77th Infantry Battalion, kasalukuyang nagsagawa ang mga militar ng combat operation laban sa mga tumakas na CTGs pagkatapos ng engkuwentro noong Mayo 11 sa nasabing bayan nang paputukan ang mga ito.
Tumagal ng 40 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng mga tauhan ng 77th IB at humigit kumulang 20 na mga miyembro ng East Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon Cagayan Valley sa ilalim ng pamumuno ni Alyas Bon ang kanilang nakaengkwentro.
Narekober ng militar mula sa encounter site ang mga bala ng 7.62mm at 5.56mm at mga personal na gamit ng mga CTGs.
Samantala, sinabi naman ni LtCol Panopio na hindi titigil ang kanilang hanay hangga’t hindi natatapos ang insurhensya sa kanilang nasasakupan.
Source: 5th Infantry Division, Philippine Army