Pinasinayaan ng Provincial Local Government Unit (PLGU) ng Ifugao ang kanilang pagsusumikap tungo sa kaunlaran sa pamamagitan ng pagsasagawa ng inagurasyon at pagbabasbas ng iba’t ibang proyektong imprastraktura sa Sitio Cadel, Poblacion South, Lagawe, Ifugao nito lamang ika-5 ng Mayo 2025.
Pinangunahan ni Reverent Father Valentine Dimoc ng Apostolic Vicariate ng Bontoc-Lagawe, ang pagbabasbas sa mga bagong pasilidad bilang hudyat ng isang bagong yugto ng kaunlaran para sa buong Ifugao.
Kabilang sa mga pinasinayaan ang access bridge at access road, Ifugao Museum, Vehicle at Food Terminal, Food Processing at Trading Post at pati na rin ang groundbreaking ng Lagawe Water System.
Sa ginanap na programa, pinuri ni Ms. Charito M. Barit ng Land Bank of the Philippines ang PLGU-Ifugao dahil sa kanilang walang humpay na pagsusumikap sa pagtatayo ng mga proyektong hindi lamang nagbubukas ng kita kundi nagpapalakas din ng turismo, nagbubukas ng oportunidad sa pamumuhunan, at nagpapataas ng kalidad ng buhay ng mga magsasaka at mamamayan.
Ang mga bagong proyektong imprastraktura ay naglalayong mapabuti ang daloy ng transportasyon, mapataas ang kita ng mga magsasaka, magbigay ng mas maayos na pasilidad sa mga biyahero, itaguyod ang kultura at turismo, at matiyak ang suplay ng malinis na tubig para sa mga mamamayan.

