15.7 C
Baguio City
Sunday, November 24, 2024
spot_img

Mas pinalakas na military presence sa lalawigan ng Batanes, ipinag-utos ni Defense Secretary Teodoro

Mas palalawakin pa ang presensya ng militar sa islang lalawigan ng Batanes sa pamamagitan ng pagtatayo ng karagdagang istraktura at mga tauhan upang mas lalong mapatatag ang depensa ng bansa sa pinakadulong bahagi ng Luzon.

Ito ang ipinag-utos ni Defense Secretary Gilbert Teodoro sa Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos dumalaw noong ika-6 ng February 2024 sa ilang critical facility sa Batanes na kinabibilangan ng Naval Detachment sa Basco at Naval Detachment sa Mavulis sa islang bayan ng Itbayat, Itbayat Airport, at sa itinatayong Naval Forward Operating Base sa Mahatao.

Dumaan din ang kalihim sa Port Irene sa Sta. Ana, Cagayan na sakop ng Cagayan Economic Zone Authority o CEZA.

Kasama ng kalihim sa kanyang pagbisita sina AFP Chief of Staff Romeo Brawner, Jr; Philippine Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Toribio Adaci, Jr.; Northern Luzon Command Chief Fernyl Buca; Naval Forces Northern Luzon Commander Francisco Tagamolila; at 4th Marine Brigade Commander Vicente Mark Anthony Blanco III.

Hinikayat din ni Sec. Teodoro ang mas mahigpit na kooperasyon sa pagitan ng AFP, mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan, upang mas epektibong mapangalagaan ang mga mangingisda at lahat ng mamamayan ng Batanes.

Ang delegasyon ng Defense Chief ay mainit namang sinalubong ni Batanes Governor Marilou Cayco, kasama ang mga lokal na opisyal ng lalawigan.

Ito na ang ikalawang pagkakataong dinalaw ng matataas na opisyal ng gobyerno ang Naval Detachment Mavulis, na pormal na pinasinayaan lamang noong October 2023.

Nitong bago magtapos ang Enero ay nagtungo rin sa Mavulis ang militar sa pangunguna ni NOLCOM Chief Buca, kasama ang BALIKATAN 39-2024 planners, upang inspeksyunin ang pasilidad doon bilang paghahanda sa isasagawang 39th Balikatan exercises sa bansa ngayong taon.

Ang Mavulis Island, na itinuturing na ‘first line of defense’ ng bansa dito sa dulong hilaga, ay tinatayang nasa 140 kilometro na lamang ang layo mula sa bansang Taiwan.

Source: Radyo Pilipinas Tuguegarao

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
0FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles