Nagtapos ang mahigit 500 na magsasaka sa programang School on the Air ng Department of Agriculture Region 2 (DA R02) noong Oktubre 10, 2023 na idinaos sa Robinsons Place-Tuguegarao City, Cagayan.
Ito ay matapos ang halos dalawang buwan na pag-aaral ng mga magsasaka ng gulay sa pamamagitan ng programa ng DA R02 sa pangunguna ng High Value Crops Development Program (HVDCP) na “Kaalamang Pagsasaka sa Himpapawid” o School on the Air (SOA) on Lowland Vegetable Production.
Ang mga magsasakang ito ay mula sa limang bayan ng Cagayan na producer ng lowland vegetable sa Solana, Alcala, Peñablanca, Piat at Sto. Nino kung saan tig-100 na magsasaka ang enrollees mula sa mga lugar na ito.
Ito ay bahagi ng programa ng DA RFO 2 at HVCDP sa mga lowland vegetable farmers upang mas lumawak pa ang kanilang kaalaman, kasanayan, at kabatiran sa mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka ng gulay maging ang mga programa ng kagawaran para sa kanila.
Tumanggap ang lahat ng nagtapos ng sertipiko, mga gawad at pa-premyo sa kanilang masiglang paglahok sa programa.
Naging masaya at masigla ang kabuuan ng aktibidad at nakahikayat sa maraming tao na lalong magtulong-tulong tungo sa masaganang agrikultura at maunlad na ekonomiya.
Source: DA Region 02