Binakunahan ang mahigit 2,700 mga mag-aaral sa City of San Fernando, La Union sa ginanap na ResBakuna Kids – Mass Vaccination nitong Biyernes, Mayo 20, 2022.
Nasa edad 5-17 taong gulang ang nabakunahan ng 1st at 2nd dose kasama ang mga edad 18 taong gulang pataas na nabakunahan naman ng 1st dose hanggang 1st booster.
Naisagawa ang simultaneous mass vaccination sa iba’t ibang paaralan sa pangunguna ng City Vaccination Task Force at Department of Education City Division’s Office katuwang ang Provincial Health Office (PHO), Lorma Medical Center, Inc. at Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC).
Sa tulong ng mga barangay officials, naisulong ang aktibidad at nahikayat ang kanilang nasasakupan na magpabakuna. Tumulong din sa vaccination sites ang Barangay Health Workers upang mas mapadali at maayos ang pangangasiwa sa pagbabakuna.
Nagbigay din ng tulong ang ilang external partners tulad ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Air Force (PAF) kaya naging mas madali at maayos ang pangangasiwa ng naturang aktibidad.
Ang pagpapabakuna ay napakahalaga lalo na sa mga kabataan upang magkaroon sila ng proteksyon at upang maging ligtas sila sa nalalapit na pagbukas at pagkakaroon ng mga face to face classes sa mga paaralan sa City of San Fernando, La Union.
Source: City Government of San Fernando, La Union