Tinatayang 239,421 na mga senior citizen sa Rehiyon Dos ang nakatanggap ng kanilang tulong pinansyal para sa unang semester ng taong 2023 sa ilalim ng Social Pension Program.
Nasa 97.95% ng mga benepisyaryo mula sa 93 Local Government Units (LGUs) ang nakatanggap ng kanilang stipend, mula sa kabuuang target ngayong taon.
Nahati sa dalawang semester ang pamamahagi ng social pension kung saan bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng 3,000 para sa unang semester mula Enero hanggang Hunyo.
Ang Social Pension ay isa sa mga programa na ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development na layuning maibsan ang hirap ng mga kwalipikadong benepisyaryo at makatulong sa kanilang pangangailangang medikal.
Layunin ng programa na mapangalagaan at maprotektahan ang mga matatanda sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal kada buwan.
Saklaw ng program ang mga indigent o mahihirap na senior citizen na walang anumang tinatanggap na pension, walang permanenteng pinagkakakitaan o walang regular na suporta ng pamilya para sa mga pangunahing pangangailangan.